Linggo, Marso 26, 2017

Pagsusuri ng
Koridong Ibong
Adarna
I.                    Kaligirang Kasaysayan ng Koridong Ibong Adarna

Ang Ibong Adarna ay isang pasalaysay na tula na ang buong pamagat ay
Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na Anac
nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania. Walang tiyak
na petsa ang tula, at nananatiling lihim ang awtor nito, bagaman may ilang naniniwala
na ang nasabing tula ay isinulat ni Huseng Sisiw na palayaw ni Jose de la Cruz. Si
Huseng Sisiw, ayon kay Julian Cruz Balmaseda, ang nagturo umano kay Francisco
Balagtas kung paano sumulat ng tula.

II.                  Pagkakaiba ng awit at korido

Ang kaibahan ng awit at korido ay maaaring nasa sukat at anyo: 1. Mabilis
ang bigkas ng korido, may kabagalan naman ang awit 2. Ang korido ay may walong
pantig at binibigkas sa kumpas ng martsa "allegro", samantala ang awit ay may
labindalawang pantig at inaawit na mabagal sa saliw ng gitara o bandurya "allegro" 3.
Ang ikinaganda ng awit ay sa mga aral na ipinahihiwatig samantala sa korido ang
ikinawiwili ng mga mambabasa ay ang kuwento o kasaysayang napapaloob dito
Mga Halimbawa ng Korido: Ibong Adarna, Don Juan Tiñoso, Don Juan Teñoso,
Mariang Kalabasa, Ang Haring Patay, Mariang Alimango, Bernardo Carpio ni Jose de la
Cruz, Rodrigo de Villas ni Jose de la Cruz, Prinsipe Florennio ni Ananias Zorilla, Buhay
na Pinagdaanan ni Donya Maria sa Ahas
Mga Halimbawa ng Awit: Florante at Laura ni Francisco Balagtas, Buhay ni
Segismundo ni Eulogio Juan de Tandiona, Doce Pares na Kaharian ng Francia ni Jose
de la Cruz, Salita at Buhay ni Mariang Alimango, Prinsipe Igmidio at Prinsesa Clariana.

III.                Pagsusuri

A. Angkop ba ang pamagat?
Masasabing kong  angkop ito dahil una sa lahat, ito ang gamot sa sakit ng hari
ng Berbanya. Pangalawa, ito din ang pilit na pinagpunyagihan ng magkakapatid na
hanapin upang hulihin. Ito din ang naging suri upang mahayag ang kataksilan nina
Don Pedro at Don Diego, ito din ang nagpatunay na si Don Juan ang tunay na
nakabihag sa kanya. Samakatuwid, ang ibong Adarna ang naging susi upang
malaman ang tunay na karapat-dapat sa trono ng hari.

B. Tagpuan
Sa tahimik at masaganang Kaharian ng Berbanya.

C. Tauhan
Si Haring Fernanado na isang mabait na ama at makatarungang hari ng
Berbanya, si Donya Valeriana na asawa ni Haring Fernando na isang mabuti at
ulirang ina sa kanyang tatlong anak. Si Don Perdo na isang sakim at masamang
kapatid tulad ni Don Diego na isa ding taksil at sakim na kapatid kay Don Juan. Si
Don Juan naman ay mabuti, mapagmahal at maawaing anak, kapatid at kapwa sa
iba. Siya’y may busilak na puso. Si Haring Salermo na isang masama at mahilig
manubok na hari sa kanyang kapwa at mga nasasakupan, ang kanyang anak
namang si Donya Maria na isang maawain at makapangyarihang dalaga. Si Donya
Leonora na isang tapat at maawaing kasintahan kay Don Juan. Si Donya Juana na
isang maganda at maawaing babae. Ang ermitanyo na may iba’t-ibang katauhan na
naging matulungin kay Don Juan at higit sa lahat, ang Ibong Adarnang kaakit-akit
ang kaanyuan at tapat na saksi sa mga kataksilan ng magkapatid na Don Pedro at
Don Diego.

D. Buod
Noong unang panahon sa kaharian ng Berbanya, may isang haring
nagngangalang Haring Fernando na dinapuan ng isang misteryosong sakit na
pawang isang mahiwagang ibon lamang ang makakapagaling. Sa paghahanap ng
tatlong anak ng hari sa Ibong Adarna, ang dalawa sa kanila ay naging bato, sina
Don Pedro at Don Diego samantalang ang bunso namang si Don Juan ay
nagtagumpay sa paghuli sa ibong ito ngunit ang kanyang dalawang kapatid ay
pinagtaksilan siya sa kabila ng pagliligtas ni Don Juan sa kanila sa pagiging bato.
Ngunit nabunyag din ang katotohanan na si Don Juan ang tunay na nakabihag sa
naturang ibon. Ngunit dahil sa ginawang pagpapakawala ng dalawang taksil na
kapatid ni Don Juan sa Ibong Adarna, napilitang umalis si Don Juan at magtungo sa
Kabundukan ng Armenya at doon niya natagpuan ang magkapatid na sina Donya
Juana at Donya Leonora. Ngunit muling nagtaksil ang kanyang dalawang kapatid at
hinulog si Don Juan sa balon at pilit na pinakasalan ni Don Diego si Donya Juana
habang si Donya Leonora naman ay nanatiling naghihintay kay Don Juan. Sunod na
tumungo si Don Juan sa Reino De Los Cristal at dito niya natagpuan si Donya Maria
at ang ama nitong nagbigay ng maraming pagsubok. Sa huli, tumakas ang dalawa
at nagtungo si Don Juan sa Berbanya nang mag-isa. Nang maglaon, nakalimutan ni
Don Juan si Donya Maria na kanyang iniwan sa isang nayon. Sa mismong araw ng
kasal nina Don Juan at Donya Leonora, dumating si Donya Maria bilang Emperatris
at ipinaalaala ang kanilang wagas na pagmamahalang tila nalimot ni Don Juan.
Naalala ni Don Juan si Donya Maria at pinakasalan ito at namuhay silang masaya at
masagana sa kahariang kanilang nakamit.

E. Banghay
1. Simula:
Sa kaharian ng Berbanya, may isang haring nagngangalang Haring
Fernando na dinapuan ng isang misteryosong sakit na pawang isang mahiwagang
ibon lamang ang makalulunas. Bago nito, makailang beses ng pinagtaksilan nina
Don Pedro at Don Diego si Don Juan. Una, iginiit nilang sila ang nakahuli sa Ibong
Adarna. Pangalawa, nang pakawalan nila ang Ibong Adarna na naging dahilan ng
pag-alis ni Don Juan at panghuli, noong inihulig nila si Don Juan sa balon sa
pamamagitan ng pagputol ni Don Pedro sa lubid na nakatali kay Don Juan. Bago
nito, natagpuan ni Don Juan ang magkapatid na prinsesa na sina Donya Juana at
Donya Leonora. Ngunit pilit na pinakasalan ni Don Diego si Donya Juana habang
nananatiling naghihintay sa pagbabalik ni Don Juan si Donya Leonora.
2. Kasukdulan:
Nang maglaon, si Don Juan ay sunod na naglakbay sa Reino De Los
Cristales, sa tulong ng Ibong Adarna at ng ermitanyo. Dito niya nakilala si Donya
Maria at ang ama nitong si Haring Salermo. Nagbigay ang hari ng maraming
pagsubok kay Don Juan at sa huli ng malaman ni Donya Maria na ibig ipapatay ng
kanyang ama si Don Juan, napilitang silang tumakas.
3. Suliranin
Mga pagtataksil kay Don Juan ng mga kapatid niya at ang tangkang
pagpatay kay Don Juan ni Haring Salermo.
4. Tunggalian:
Tao vs. Tao
5. Wakas :
Nagpakasal sina Don Pedro at Don Diego kina Donya Juana at Donya
Leonora at kinoronahan si Don Pedro bilang hari ng Berbanya. Nagpakasal naman
sina Don Juan at Donya Maria at sila’y bumalik sa kaharian ng Reino delos Cristal at

doon kinoronahan si Don Juan bilang hari ng naturang kaharian.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento